
Maituturing na isang batayan para sa pagpapawalang-bisa ng kasal ang pagtatago ng sekswalidad sa asawa.
Ito ang binigyang-diin ng Korte Suprema sa kaso ng mag-asawa na pinayagan ng Second Division na ma-annul ang kasal dahil sa pagtatago ng lalaki sa kaniyang pagiging homosexual bago ang pag-iisang dibdib.
Lumabas na nagkakilala sa social media ang dalawa at naging long-distance relationship nang magtrabaho ang lalaki sa Saudi Arabia.
Pero nang ikasal na sila ay saglit na nagsama kung saan patuloy na umiiwas ang lalaki para lamang hindi makalapit sa kaniyang asawa.
Makalipas ang ilang buwan mula nang ikasal ay hindi na kinausap ng lalaki ang kaniyang asawa at kalaunan ay nabuking na homosexual.
Naghain ng annulment petition ang babae at iginiit na niloko siya ng asawa nang itago nito ang tunay na sekswalidad.
Ibinasura ng Regional Trial Court at Court of Appeals ang petisyon pero binaliktad ng Supreme Court at iginiit na maaaring ipawalang-bisa ang kasal kung hindi nagsabi ng totoo ang isa sa mag-asawa noong una pa lamang.









