Ibinunyag ng isang Filipino repatriate na empleyado ng Philippine Consulate sa Khartoum, na magiging pahirapan na sa mga susunod na araw ang paglabas ng Sudan.
Ito ay matapos na mabigo ang United Nations na mapigilan ang matinding kaguluhan sa Sudan.
Ayon sa naturang Pinoy na tumangging magpabanggit ng pangalan, kahit sila mismo ay hindi na naging madali ang paglabas nila ng Sudan.
Isinisisi naman nila sa mabagal na pagkilos ng Philippine Embassy sa Egypt ang delayed na paglilikas sa mga Pinoy sa Sudan.
Aniya, kung hindi pa dumating ang team mula sa Pilipinas ay hindi mapabibilis ang paglilikas sa kanila.
Nabuhayan lamang aniya sila ng loob nang dumating ang contingency team mula sa Pilipinas at doon lamang sila nadalhan ng mga pagkain at tubig.
Pinabulaanan din ng nasabing Pinoy na na-trap ang mga tauhan ng Philippine Consulate sa Khartoum kaya nagutom ang mga Pinoy na naipit sa bakbakan sa Sudan.