Paglilikas sa ilang lugar sa Maynila dahil sa bagyo, ipinag-utos na ni Mayor Isko Moreno

COURTESY: ISKO MORENO DOMAGOSO FB

Iniutos na ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang paglilikas bukas ng umaga sa 120 pamilyang naninirahan sa Isla Puting Bato at Baseco dahil sa Bagyong Rolly.

Inilabas ni Mayor Isko ang direktiba matapos niyang pulungin ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO, City Engineering and Public Works at Manila Health Department.

Ayon kay Domagoso, handa ang Manila Department of Social Welfare o MDSW na magkaloob sa mga ililikas na pamilya ng hot meals at food packs, at handa rin ang MHD na ipagkaloob sa kanila ang agarang medical checkup sa loob ng evacuation center.


May standing order din si Domagoso sa City Electrician na gawing mas mabilis sa dati ang restoration ng power lines at coordination sa MERALCO kung may mapuputulang kuryente.

Ang direktiba naman ng alkalde kay City Engineer Armand Andres, ay bilisan ang paglilinis at clearing operation sa mga kalsada na maaaring bagsakan ng mga puno o mga bubong dahil sa inaasahang malakas na hangin dulot ng Bagyong Rolly.

Tiniyak ni Domagoso na nakatutok ang pamahalaang lungsod minu-minuto sa galaw ng bagyo at epekto nito sa mamamayan para mabilis silang makatugon.

Mahigpit ding ipinag-uutos ni Mayor Isko ang pangangalaga sa COVID-19 patients sa iba’t ibang quarantine facilities bilang top priority sa disaster response.

Higit sa lahat ay nananawagan si Mayor isko na huwag kalilimutang magdasal at humingi ng tulong sa Diyos lalo na sa panahong ito ng kalamidad.

Facebook Comments