Paglilikas sa mga Pilipino sa India, patuloy na tinatalakay ng IATF

Patuloy pang pinag-uusapan sa Inter-Agency Task Force o IATF ang mga paraan kung paano maililikas ang mga Pilipino sa India kung saan matindi ang paglobo ng COVID-19 cases at dami ng namamatay.

Inihayag ito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa pagdinig ng Senado ukol sa panukalang pagtatag ng Department of Overseas Filipinos o DOFIL.

Sa pagdinig ay tinanong ni Senator Imee Marcos kung paano makakabalik sa bansa ang mga Pilipino habang may umiiral na travel ban ang Pilipinas sa India simula noong April 29 hanggang May 14.


Binanggit din ni Marcos ang sinabi ni Ambassador to India Ramon Bagatsing Jr., na kailangan pang kumuha ng mga Pilipino ng clearance mula sa Indian government bago sila payagan na makauwi sa Pilipinas.

Sabi naman ni Nograles, patuloy na nakikipag-ugnayan si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., sa mga Filipino officials sa India.

Sa Senate hearing ay sinabi naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nasa 1,003 ang mga manggagawang Pinoy sa India at ang DFA ang nakatutok dito dahil wala doong tanggapan ng Philippine Overseas Labor Office.

Facebook Comments