Pinabulaanan ng Department of Agriculture (DA) ang mga ulat na ipinag-utos nito sa local chicken raisers na limitahan ang produksyon pabor sa pag-aangkat ng poultry products.
Sa sulat na ipinadala ni United Broilers Raisers Association (UMBRA) President Elias Inciong kay Agriculture Secretary William Dar, ang Bureau of Animal Industry (BAI) ay inirekomenda sa local poultry raisers na limitahan ang kanilang produksyon matapos ihayag na mababa ang volume ng imports kumpara sa local production.
Iginiit ni Inciong na ang dapat limitahan ng pamahalaan ay ang importation para maiwasan ang oversupply, na maaaring mauwi sa mababang farmgate prices.
Karamihan sa mga broiler raisers ay apektado ng COVID-19 lockdown kaya napipilitan ang mga ito na limitahan ang produksyon.
Tugon ni Dar, nagkaroon lamang ng miscommunication sa pagitan ng BAI at ng grupo.
Paglilinaw ni Dar, walang inilabas na kautusan ang kagawaran at ang BAI na ihinto o limitahan ang poultry production.
Nagpadala rin sa kanila si BAI Director Ronnie Domingo ng paglilinaw hinggil sa isyu.
Para maprotektahan ang local poultry industry, sinabi ni Dar na mag-aangkat lamang ang Pilipinas ng kailangang supply para mapunan ang pagkukulang.