Paglilinis ng mga basura sa Manila Bay, tuloy-tuloy ayon sa Manila City government

Manila, Philippines – Tuloy-tuloy ang magiging paglilinis sa mga basura sa Manila Bay na inaanod dito tuwing malakas ang ulan ayon sa pamahalaang lungsod ng Maynila.

Ayon kay Manila City Hall District 5 Department of Public Services Supervisor Elnora Budino, ang kanilang ginagawang clean up sa Manila Bay ay hindi titigil hanggang katapusan ng Setyembre o hanggang huminto ang hagupit ng habagat.

Aniya inaasahan na nila na ang pagtambak ng mas maraming basura sa Manila Bay mula sa iba pang mga coastal cities habang patuloy na nararanasan ng Kalakhang Maynila at iba pang kalapit probinsya ang bangis ng habagat.


Kanina ay nakahakot ang pamunuan ng Manila City – Department of Public Safety ng tone-toneladang basura na inanod sa baybayin ng Manila Bay sa tabi ng US Embassy sa Roxas Boulevard.

Ang mga basura ay kinabibilangan ng mga plastic, styrofoam, mga sirang kawayan, plastic cup, paper cup, papel at foam.

Paliwanag ni Budino, buong pwersa ng kanilang departamento na nakiisa sa paghahakot ng basura.

Tumulong din kanina sa naturang clean up drive ang mga estudyante at guro ng Lyceum of the Philippines University.

Ang mga mahahakot na basura ay dadalhin sa Pier 18 sa Pier-North kung saan nakadaong ang isang barge para dalhin naman ang mahahakot sa Sanitary Landfill sa Navotas City.

Facebook Comments