Inihayag ngayon ni Manila Mayor Isko Moreno na aatupagin na ng Manila City Government ang paglilinis ng mga estero, kanal at drainage upang malabanan ang pagdami ng mga lamok na nagdadala ng dengue virus.
Ayon kay Mayor Moreno, iniutos na niya na paglinis sa drainage system sa ilang lugar sa Maynila, partikular sa Recto Avenue pati ang mga creek, pinalilinis na rin ng alkalde.
Kailangan ding alisin ang mga nakatenggang tubig, dahil kapag pinagtagal pa ito o naging stagnant, posibleng dumami pa ang mga lamok.
Hinihimok naman ng alkalde ang mga opisyal ng barangay na magsagawa ng clearing operations sa kani-kanilang nasasakupan.
Batay sa Department of Health (DOH), mula noong January 1 hanggang June 29, 2019 ay aabot sa 856 ang mga kaso ng dengue sa buong lungsod ng Maynila kung saan sa naturang bilang, apat na pasyente ang nasawi.