Ang buhos ng tao sa Manila North Cemetery ay sinabayan na ng mga tauhan ng Manila City Government – Department of Public Safety O DPS ng paglilinis.
Bitbit ang walis, dustpan at trashbag ay naglilibot na agad ngayon sa loob ng sementeryo itong mga tauhan ng DPS at nagwawalis.
Ang kanilang hakbang ay alinsunod sa kagustuhan ni Manila Mayor Isko Moreno na mapanatili ang kalinisan sa loob at labas nitong Manila North Cemetery.
Pero kumpara sa mga nakaraang taon na paggunita ng Undas ay inaasahang mas kakaunting basura ang mahahakot mula dito sa loob ng North Cemetery.
Ito ay dahil sa mahigpit na pagbabawal ng pagtitinda sa loob ng sementeryo na malaking kabawasan sa mga basura.
Itong mga nakaraang araw at nagsagawa na ng cleaning at clearing operations ang DPS sa loob nitong Manila North Cemetery.
Samantala, ngayon buong araw ay pumalo na sa 755,000 ang pagtaya ng Manila Police District sa kabuuang bilang ng mga dumalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay na nakahimlay dito sa Manila North Cemetery.
Ngayon ay talagang mas marami na ang umuuwi o lumalabas sa sementeryo kumpara sa mga papasok pa lang at dadalaw pa lang sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
#AlaalaUndas2019