May hanggang Biyernes na lamang ang publiko upang makapaglinis o magpintura ng mga puntod at nitso ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay na nakahimlay sa Manila North Cemetery.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna na wala nang extension pa sa ibinigay na deadline na hanggang October 25.
Ayon sa alkalde, maagang inilabas ang advisory upang magkaroon ng mahabang panahon ang publiko na maghanda para sa nalalapit na All Saints’ Day at All Souls’ Day sa November 1 at 2.
Samantala, inanunsiyo ng pamunuan ng Manila North Cemetery na suspendido muna ang cremation services mula October 28 hanggang November 3.
Inaasahang papalo sa isang milyon ang mga dadagsa sa pinakamalaking sementeryo sa bansa ngayong Undas.
Noong nakaraang taon, nasa halos 1 million ang mga nagpunta upang bumisita sa kanilang mahal sa buhay sa kabila ng maghapong naranasang pag-ulan.