Inaasahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi aabutin ng hanggang apat na buwan para tuluyang malinis ang tumagas na langis mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Sa isang ambush interview, sinabi ng pangulo na naglunsad na ang pamahalaan ng clean up drive.
Katulong ng gobyerno ang mga pribadong sektor at ang bansang Japan upang masipsip ang libu-libong litro ng langis mula sa nakalubog na barko.
Paliwanag ng pangulo, nakita na ang lugar na pinaglubugan ng barko kaya maari aniyang matigil na ang pagtagas nito sa pinaka-mabilis na panahon.
Sinabi pa ng presidente na batay sa natanggap niyang impormasyon, nakarating na rin sa mga baybaying dagat at ilang tourist sites ang langis at umaasa syang mapipigilan ang pagkalat pa nito basta’t magtuloy-tuloy lamang ang operasyon.
Sa pagtaya ng Philippine Coast Guard, maaring umanong abutin ng 1 buwan bago malinis ang oil spill.
Matatandaang ilang taon na ang nakakalipas, inabot ng apat na buwan bago tuluyang nalinis noon ang oil spill na nangyari sa Guimaras.