Nangako si Health Secretary Francisco Duque III sa Kamara na hindi na nila ililipat sa Procurement Services ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang bahagi ng pondo para sa COVID-19 response.
Sa pagbusisi ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez kay Duque, pinatiyak nito sa kalihim na hindi na uulitin ang paglilipat ng pondo sa PS-DBM tulad ng ginawa noong nakaraang taon kung saan nakaladkad sa isyu ang hindi tamang paggugol ng DOH sa pondo para sa pantugon sa pandemya.
Tinukoy ni Rodriguez ang Commission on Audit (COA) 2020 report na P67.3-B ang deficiency sa pondo ng DOH para sa COVID-19 response kung saan P42-B dito ay inilipat sa PS-DBM para sa pambili ng face mask at face shields na wala man lamang memorandum of agreement (MOA).
Diin ng kongresista, ang DOH at ang kalihim na ang dapat na bumili ng kailangang medical supplies sa ilalim ng kanilang COVID-19 response fund at hindi na dapat ito ilipat sa PS-DBM.
Napilitan si Duque na mangakong hindi na gagawin ang paglilipat ng pondo at tiniyak na ang DOH na ang gagawa ng procurement ng mga medical supplies lalo’t mayroon na silang sariling bids and awards committee sa ahensya.
Tiniyak niya na hindi na mauulit ang nangyaring problema sa PS-DBM dahil ngayon ay stable o matatag na ang supply chain ng mga kinakailangang kagamitan.