Paglilipat ng halos P90-B PhilHealth funds, labag sa Universal Health Care Act

Iginiit ni Cagayan de Oro City 2nd District Representative Rufus Rodriguez na labag sa Universal Health Care Act ang paglilipat sa national treasury ng P89.9 billion na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.

Hinggil dito ay inihain ni Rodriguez ang Resolution No. 1903 na nagsusulong na imbestigahan ng Kamara ang nabanggit na hakbang alinsunod sa kautusan ng Department of Finance (DOF).

Binigyang-diin ni Rodriguez na malinaw ang nakasaad sa Universal Health Care Act na ang sobra sa pondo ng PhilHealth ay gagamitin para dagdagan ang benepisyo ng mga programa nito at para mabawasan ang kontribusyon ng mga miyembro.


Dagdag pa ni Rodriguez, ang paglipat ng PhilHealth funds ay labag din sa dalawa pang batas na RA No. 11467 at RA No. 10963 na nag-aatas na ang kita mula sa tobacco excise taxes, e-cigarettes at sweetened beverages ay dapat gamitin sa benepisyo ng mga miyembro ng PhilHealth.

Bunsod nito ay nananawagan si Rodriguez kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na i-utos ang pagbabalik ng P89.9 billion na pondo sa PhilHealth para mabigyan ng hustisya ang 104 million miyembro nito.

Facebook Comments