
Pinalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hanggang 2028 ang panahon ng transisyon para sa ganap na paglilipat ng ilang tungkulin at proyekto ng pambansang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan o LGU.
Sa ilalim ng Executive Order No. 103, nakasaad na binibigyan ng mas mahabang oras ang mga LGU upang palakasin ang kanilang pondo, tauhan, at sistema bago tuluyang akuin ang dagdag na tungkulin mula sa national government.
Kabilang sa mga ililipat na gawain ang paghahatid ng ayuda, pagpapatayo ng health centers, pagpapaayos ng kalsada, programang pangkabuhayan, at iba pang proyektong lokal.
Sa bagong patakaran, dapat ay ganap nang mailipat sa 2027 ang mga tungkulin para sa mga lungsod, habang ang mga lalawigan at munisipyo ay may hanggang 2028 para maisakatuparan ito.
Prayoridad din ng gobyerno ang pagtulong sa mahihirap at malalayong LGU, lalo na sa mga lugar na hirap sa pondo at serbisyo.
Ayon sa Malacañang, sa pamamagitan ng pagpapalawig, masisiguro na hindi maaantala ang serbisyo sa mga mamamayan habang inihahanda ang mga LGU sa mas malaking responsibilidad sa ilalim ng Mandanas-Garcia ruling at Local Government Code of 1991.









