Itinigil na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paglilipat ng pondo sa Philippine International Trading Corporation (PITC) at sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa mga proyekto.
Sa pagdinig ng 2023 budget ng Department of National Defense (DND), sinita ni Senator JV Ejercito ang P1.3 billion na outstanding balance na naiwan ng AFP sa PITC dahil sa delays sa mga hinihiling na proyekto gayundin ang na-flagged ng Commission on Audit (COA) sa PS-DBM na acquisition sa ilang mga proyekto ng Hukbong Sandatahan.
Puna ng senador dahil idinadaan pa sa PITC at PS-DBM ang pondo para sa acquisition ng mga proyekto ay napagkakaitan ang ating mga sundalo na magamit ng husto ang kanilang mga pondo para sa mga inilalaang proyekto.
Ayon kay National Defense Officer-in-Charge (OIC) Jose Faustino Jr., taong 2020 ay itinigil na nila ang pagbibigay ng pondo sa PITC kasunod ng ginawang pakikipagpulong sa pamunuan ng ahensya.
Sinegundahan naman ito ni AFP Deputy Chief of Staff VAdm. Rommel Anthony Reyes at sinabing may mga hamong kinaharap ang PITC at PS-DBM kaya nagpasyang itigil na ang paglilipat ng pondo para sa pag-acquire ng mga kagamitan ng AFP.
Sa ngayon ay sinusubukan nilang tulungan ang PITC at PS-DBM na ang mga na-obligate na pondo na hindi nagamit ay ibalik sa Bureau of Treasury.
Giit naman nina Ejercito at Senator Ronald Bato dela Rosa na sa Bids and Awards Committee (BAC) ng AFP na lamang idaan ang pondo at pagbili ng mga kagamitan para sa mga sundalo.