
Inirekomenda ni Senator Erwin Tulfo na ilipat sa mga mahahalagang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pondo para sa flood control projects sa susunod na taon.
Ito ay matapos na iulat ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na ibinaba sa P221 billion ang budget ng ahensya mula sa orihinal na hinihingi na P362 billion kung saan tuluyang inalis din ang ilang programa dahil sa tinapyas na pondo tulad ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program o AKAP.
Hinikayat ni Tulfo ang mga kapwa mambabatas na pagaralan na ilipat ang bahagi ng pondo ng flood control sa DSWD kahit hindi buo.
Welcome naman para kay Sec. Gatchalian ang panukalang ilipat sa kanilang ahensya ang bahagi ng pondo ng flood control projects at nakahanda silang tanggapin ano man ang ibibigay para makatulong sa mas nakararaming Pilipino.
Kabilang naman sa mga programa ng ahensya na nakikita nilang pwedeng paglaanan ng pondo ay ang Assistant to Individuals in Crisis Situation (AICS), pagse-set up ng mga bahay pag-asa para sa mga children in conflict with the law, pagsasaayos ng mga care facilities at iba pa.









