Manila, Philippines – Hinihiling na rin sa Kamara na ilipat na rin ng lugar ang New Bilibid Prison.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na bumabalik nanaman ang drug trade sa Bilibid.
Ayon kay Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, dahil sa subhuman living conditions at ang lokasyon ng Bilibid na nasa urban area, malaki ang nagiging impluwensya nito sa pamamayagpag ng iligal na droga sa kulungan.
Bukod dito, ang lumang pasilidad ng Bilibid ay na-modify na ng mga preso kaya bukod sa kabusado ay nabago ng mga ito ang mga bahagi ng kulungan kaya madaling nakakapagtago ng droga.
Dagdag din dito ang panunuhol na ginagawa sa mga nagbabantay kaya nakakalusot kahit pa may mga itinalaga ng special action force sa bilangguan.
Naniniwala si Biazon na kung maililipat ang NBP sa ibang lugar ay magiging bago ang lahat mula sa pasilidad hanggang sa mga tauhan kaya tiyak na mababawasan ang mga iligal na gawain sa kulungan.
Ang paglilipat ng NBP sa Laur, Nueva Ecija ay matagal nang nasa plano ng gobyerno pero naisantabi muna dahil ang drug rehabilitation center ang unang ipinatayo doon.