Paglilipat sa pasukan sa Hunyo, hiniling ng Senado na pag-aralan muna

Hinimok ni Senator Nancy Binay ang Department of Education (DepEd) na pag-aralan muna ang planong ibalik sa Hunyo ang pagbubukas ng klase sa bansa.

Kaugnay na rin ito sa desisyon ng DepEd na simulan ang unang araw ng klase ngayong taon sa July 29 para sa unti-unting pagbabalik ng school year sa June-March simula naman sa 2025.

Ayon kay Binay, mas maigi na pag-aaralan muna ng ahensya ang planong pagbabalik ng klase sa Hunyo dahil sa kanyang pagkakaalam ay binago ang buwan ng pasukan ng mga estudyante noong una dahil sa palaging nakakansela ang klase dahil sa madalas na bagyo.


Aniya, maganda na pag-aralan kung ano ang advantage at disadvantage nito at hindi maaaring madalas na ginagawa ang pagpapalit ng petsa ng pasukan.

Dagdag pa ni Binay na posibleng matapos ang tatlong taon ay sabihin na hindi pala epektibo ang June-March na school year at babaguhin nanaman ito.

Mahalaga aniyang mapag-aralan kung ano ang implikasyon o epekto nito partikular sa panahon ng summer na sadyang mainit lalo’t may El Niño at tingnan din ang mga araw na nawawala sa mga mag-aaral sa mga buwan ng tag-ulan dahil sa mga bagyo at pagtaas ng baha.

Facebook Comments