Paglilipat sa Pondo ng NTF-ELCAC, Malabong Mangyari

Cauayan City, Isabela- Naniniwala si PCOO Usec Lorraine Badoy na hindi na tatanggalan ng pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Usec Badoy na isa rin tagapagsalita ng NTF-ELCAC, kanyang sinabi na ang P19 bilyon budget ng NTF-ELCAC ay nakalaan na para sa 822 barangay sa bansa na na natanggal na ang impluwensya ng CPP-NPA-NDF at kabilang sa mga pinakamahihirap na lugar sa Pilipinas.

Maganda aniya ang layunin ng NTF-ELCAC sa mamamayan dahil sa pamamagitan nito ay magkakaroon na ng magandang daanan, tulay, pangkabuhayan at iba pa na tiyak aniyang makakapagpaunlad sa buhay ng maraming Pilipino.


Ibinahagi rin nito na nasa 60 hanggang 90 porsiyento sa mga nalilinlang at nahihikayat ng mga teroristang grupo ay mga katutubo dahil madalas at madaling hikayatin ng mga rebelde na dapat ay matigil na at matulungan ng gobyerno.

Huwag sana aniyang idamay ang mga taong deserve na mabigyan ng tulong lalo na ngayong panahon ng pandemya at nakikita naman aniya ang resulta ng NTF ELCAC dahil na rin sa pagsuko ng maraming rebelde sa bansa.

Matatandaan na pinalagan ng ilang mga senador ang paglalaan pa ng pondo sa NTF-ELCAC sa susunod na taon at kanilang isinuhestiyon na ilipat na lamang sa pagbibigay ng ayuda gaya ng community pantries ang P19 bilyong pondo nito.

Samantala, naniniwala si Usec. Badoy na bago magtapos ang termino ng Pangulong Rodrigo Duterte ay maiwaksi na ang problema sa insurhensiya sa bansa.

Facebook Comments