Sa halip na sa Zamboanga, nais ng Department of Justice (DOJ) na sa Metro Manila na lamang gawin ang paglilitis sa kaso laban sa naarestong terrorism financing facilitator na si Myrna Mabanza.
Sabi ni Senior Assistant State Prosecutor Rassendell Rex Gingoyon, may ginagawa nang pag-aaral ngayon ang DOJ kung ililipat ang pagdinig sa kaso sa Metro Manila dahil sa isyu ng seguridad.
Paliwanag ni Gingoyon, isang high-profile detainee si Mabanza na kailangan ng mahigpit na seguridad.
May mga korte aniya sa Quezon City at Taguig City na nakatalaga para humawak ng mga kaso ng anti-terrorism.
Ayon kay Gingoyon, isa sa mga dahilan kung kaya nais na ilipat sa Metro Manila ang paglilitis dahil maaaring hindi sapat ang mga pasilidad sa Zamboanga para ma-secure si Mabanza dahil sa marami rin itong kamag-anak sa ZamBaSulTa area.
Pero isa sa mga balakid na nakikita ay ang gastos sa transportasyon ng mga piskal at mga testigo papuntang Zamboanga kung doon ang paglilitis.