Paglimita sa bilang ng medical workers na nais mag-abroad, kinuwestyon sa budget deliberations ng Senado

Sa pagtalakay ng Senado sa panukalang pondo para sa Department of Labor and Employment (DOLE) ay kinuwestyon ni Senator Richard Gordon ang limitasyon sa bilang ng medical workers kabilang ang nurses na nais magtrabaho sa ibang bansa.

Ayon kay Gordon, labag sa konstitusyon na pagkaitan ang medical workers ng pagkakataon na makapagtrabaho sa ibang bansa at kumita ng mas malaki at makakatulong pa sila sa ekonomiya.

Paliwanag naman ni Senator Joel Villanueva na siyang nagdedepensa ng budget para sa DOLE, ang deployment cap sa bilang ng medical workers na papayagang magtrabaho sa abroad ay itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF).


Layunin nito na matiyak na may sapat na health workers sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Subalit giit ni Gordon, batay sa Professional Regulation Commission (PRC) nitong April 20, 2021 ay aabot sa 512,719 ang registered nurses pero ang mga nagtatrabaho sa mga pampubliko at pribadong health facilities ay nasa 165,361 lang.

Nilinaw naman ng DOLE na exempted sa deployment cap ang health workers na papunta at galing sa United Kingdom (UK) at mga balik-manggagawa sa abroad.

Nangako naman si DOLE Secretary Silvestre Bello III na rerepasuhin ang deployment cap batay na rin sa hiling ng Philippine Nurses Association (PNA).

Facebook Comments