Paglipat ng 10 barangay ng Makati patungo sa Taguig, aprubado na ng COMELEC

Inaprubahan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang administrative transfer o paglipat ng sampung barangay mula sa Makati City patungo sa Taguig City para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.

Sa Memorandum Order na inilibas ng COMELEC, nakasaad na ang desisyon ay batay sa naging rekomendasyon ng law department ng komisyon na isaalang-alang ang mga barangay na mapapabilang sa Taguig City para sa darating na halalan.

Naglabas din ng rekomendasyon at guidelines ang COMELEC bilang paghahanda sa BSKE, tulad ng mga sumusunod:


– Pagkuha ng kopya ng desisyon ng Korte Suprema
– Pagberepika sa mga barangay na kasama sa paglipat
– Pagbibigay ng Makati City ng bagong database na may server na nagpapakita ng mga pagbabago sa mga presinto
– Paghahanda ng isang detalyadong hakbang para sa paglipat
– Pagkakaroon ng bagong computerized na listahan ng mga botante

Kinakailangan ding makipag-ugnayan ng mga barangay sa mga kinauukulang ahensya para sa security preparations, at implementasyon ng paglipat.

Dapat ding ipagbigay alam nito sa mga apektadong botante ang gagawing administrative transfer.

Nauna nang sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na madali lamang ilipat ng COMELEC ang database ng Makati sa Taguig, upang matiyak ang maayos na paglilipat, kailangan pa aniya nilang makipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno.

Inatasan naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Makati at Taguig na tulungan ang COMELEC sa mga bagay na may kinalaman sa eleksyon, bago sumapit ang halalan.

Facebook Comments