Pabor si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na ilipat ang confidential at intelligence funds (CIF) ng ilang ahensya ng gobyerno para sa refurbishment o pagsasaayos ng BRP Sierra Madre.
Ang reaksyon ay kaugnay na rin sa insidente ng pagbomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa ating Philippine Coast Guard habang nasa gitna ng isang resupply mission para sa ating mga sundalo na nasa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal at ang pahayag din ng China na may kasunduan umano para tanggalin ang naturang barko sa ating teritoryo.
Suportado ni Dela Rosa na mailipat ang CIF ng ilang mga ahensya sa refurbishment ng BRP Sierra Madre dahil walang ibang mas mataas na prayoridad ngayon kundi ang palakasin ang depensa ng bansa.
Para sa senador, kailangan ngayon ang dagdag na pondo dahil number 1 priority ang defense ng bansa lalo ngayon na napapadalas ang tensyon sa West Philippine Sea.
Bukod sa pagsasaayos sa barko ay dapat din aniyang mapagaan kahit papaano ang buhay ng mga marines na nakatira na sa loob ng BRP Sierra Madre na maiging nagbabantay sa ating teritoryo.
Dagdag pa ni Dela Rosa, kung pwede lang na i-semento ang ating barko para naka-fix lang doon upang matiyak na hindi ito basta-basta mahihila o matatanggal ng China ay gawin na para lang patibayin ang ating claim sa Ayungin Shoal.
Nauna rito ay nagpahayag din si Senate Minority Leader Koko Pimentel na kanilang tatalakayin sa budget deliberation ang pagbibigay din ng confidential at intel funds sa ating Philippine Coast Guard (PCG) para suportahan ang kanilang operasyon para sa mas maigting na pagbabantay sa ating teritoryo.