Tuesday, February 3, 2026

Paglipat ng flood control funds sa livelihood program ng DSWD, malaki ang maitutulong sa ekonomiya

Naniniwala si Senator Erwin Tulfo na malaki ang maitutulong o maiaambag sa ekonomiya kung maililipat ang P36 billion na flood control fund sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), partikular sa mga programang pangkabuhayan.

Kung si Sen. Erwin ang tatanungin ay tama lamang ang desisyon ng pangulo na ilipat sa mga programa para sa mga mahihirap at walang kabuhayan ang pondo na para sana sa flood control projects.

Giit ni Tulfo, Chairman ng Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, sa halip na mapunta sa bulsa ng mga Department of Public Works and Highways (DPWH) official, contractor, at politiko ang pondo ay mainam na mapunta na lamang ito para sa mga mahihirap.

Sinabi ng senador na kapag nasa DSWD ang pondo ay diretso itong mapupunta sa mga tao at hindi hahawakan ng mga politiko o sinumang kontraktor.

Paliwanag ni Tulfo, kung maraming mga walang hanapbuhay ang mabibigyan ng tulong ay malaki ang isisigla ng ekonomiya sa pamamagitan ng small business enterprise.

Nais ni Pangulong Marcos na ilaan ng DSWD ang pondo sa Assistance for Individual in Crisis Situation o AICS at sa Sustainable Livelihood Program (SLP).

Facebook Comments