Inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang kahilingan ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ilipat ang nasa pitong opisyal ng PhilHealth dahil sa “loss of confidence.”
Ang kahilingan ni Herbosa ay kasunod ng exemptions sa ilalim ng Omnibus Election Code na nagbabawal sa paglipat ng mga empleyado ng gobyerno sa panahon ng halalan, batay sa Comelec memorandum.
Sa memorandum na nilagdaan ni Comelec Chairman George Garcia, ang pitong miyembro ay inililipat dahil sa kanilang “observed incompetence, gross negligence, at ineffective leadership.”
Ayon sa Comelec, ang paglipat ng mga opisyal ng PhilHealth ay hindi dapat makaapekto sa gagawaing halalan, at sa anumang promosyon o pagtaas ng suweldo.
Matatandaang kamakailan ay humingi ng tulong si Herbosa sa Kongreso para linisin ang PhilHealth, na dati ay nahaharap sa mga akusasyon ng katiwalian.
Sinisi rin ng kalihim ang executive committee ng PhilHealth sa mga late payment sa mga ospital.