Iginiit ni House Assistant Minority Leader and Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas sa House of Representatives na imbestigahan ang pag-transfer sa national treasury ng P90 billion na hindi nagamit na pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Para kay Brosas, maraming tanong na dapat sagutin kaugnay sa paggamit sa unused funds ng PhilHealth para sa unprogrammed funds ng gobyerno.
Giit ni Brosas, kawalang katarungan sa mga Pilipino ang tila paghigop sa pondo na nakalaan para pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan lalo ang mga mahihirap nating kababayan.
Binanggit ni Brosas na nangangamoy pork scam version 2.0 ito na mas malala pa sa Maharlika scam kaya dapat imbestigahan.
Sa tingin ni Brosas, ang pasya ngayon na paggamit sa sobrang pondo ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCCS) ay ginagawa ngayon ng administrasyon matapos madiskaril ang nauna nitong tangka na gamitin ang social security funds sa Maharlika Fund.
Bunsod nito ay tiniyak ni Brosas ang matinding pagkwestyon sa budget ng PhilHealth sa gagawing pagbusisi sa pambansang budget sa susunod na taon.