Sa budget hearing ng Senado ay kinuwestyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang paglipat ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng ₱160 million sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Paglilinaw naman ni TESDA Chief Isidro Lapeña, ibinaba ang pondo sa provincial offices at hindi inilipat sa NTF-ELCAC.
Paliwanag ni Lapeña, ginamit ang salapi sa training ng rebel returnees, mga indigenous people at mahihirap na sektor.
Hindi naman tinanggap ni Drilon ang paliwanag ni Lapeña sa katwirang hindi kasama sa mandato ng TESDA ang pagtulong sa anti-insurgency efforts ng pamahalaan.
Lalo pang nadismaya si Drilon ng makita sa ₱14.5 billion na proposed 2022 budget ng TESDA na may mahigit ₱74.4 million na ililipat muli sa NTF-ELCAC na itinago sa general operating budget o hindi naka-line item.
Sa budget hearing ay binanggit naman ni Carmela Zamora ng Commission on Audit (COA) na kasama sa tinututukan ng kanilang audit ngayong taon ang paggamit ng Bayanihan funds at ang paglilipat ng TESDA ng pondo sa mga gawain ng NTF-ELCAC.