Paglipat sa electric vehicles mula gas-fueled transport system, isinusulong na

Iminumungkahi na ng Department of Transportation (DOTr) ang paglipat mula sa gas-fueled transportation patungo sa electric vehicles.

Ito ang naging pahayag ni Transportation Sec. Jaime Bautista sa pagdalo sa isang media forum sa Maynila kung saan pinag-aaralan na nila ang posibilidad ng pagre-require sa public transportation na lumipat sa electric vehicles dahil sa kontribusyon nito na i-decarbonize ang road network ng bansa at mapagbuti ang air quality.

Kinokonsidera na rin ng DOTr ang pagkakaloob ng mga insentibo, tulad ng tax breaks at ‘soft loans’ sa mga transport operator sa bansa para matulungan silang simulan ang paglipat sa electric vehicles.


Matatandaan na una ng inilabas ang Executive Order No.12 series of 2023 na naglalayong babaan ang taripa para sa electric vehicles at mga piyesa nito mula sa 5 percent hanggang 30 percent papuntang 0 percent maliban sa e-motorcycles na pinapatawan pa rin ng 30 percent import duty.

Nauna nang sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na ang pagpapatupad ng EO12 ay magpapalakas sa local industry ng electric vehicles.

Umapela na rin ang iba’t ibang stakeholders na gawing mas inklusibo ang EO sa pagsama sa e-motorcycles sa temporary suspension ng import tariff rates.

Ang import tariff break para sa e-motorcycles ay suportado ni Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP) President Edmund Araga kung saan binigyang-diin niya na ang mga oportunidad ay dapat ibigay sa local manufacturers.

Samantala, una ng isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian ang paggamit ng electric vehicles sa bansa sa mahigpit na pagpapatupad ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) sa gitna ng tumataas na presyo ng gas at para mabawasan ang carbon emission sa bansa.

Nakatakda rin maglagay ang Department of Energy ng halos 2.45 million electric vehicles at 6,500 charging stations sa buong bansa sa pagitan ng 2023 at 2028.

Facebook Comments