Paglobo ng bilang ng mga miyembro ng NUP dahil umano kay Paolo Duterte

Manila, Philippines – Pinaniniwalaan ng National Unity Party (NUP) na malaki ang ginampanan na papel ni presidential son at Deputy Speaker Davao City Representative Paolo Duterte sa pagdami ng mga miyembro ng partido sa Kamara.

Ayon kay Deputy Speaker Roberto Puno, malaking factor kung bakit lumobo sa 50 ang bilang nila ngayon sa Kamara matapos magpa-adopt sa kanila si Polong.

Ang kanilang bilang anya ay mula sa iba’t-ibang national at local party kung saan 12 dito ay tumalon mula sa partido ni Pangulong Duterte na PDP-Laban.


Paglilinaw ni Puno, kusa ang paglipat ng ilang kongresista sa kanilang partido at wala silang recruitment na ginagawa.

Posible ding mabigyan ng posisyon sa NUP si Polong.

Gayunman, sinabi ni NUP at House Deputy Secretary-General Brian Yamsuan, pag-aaralan pa nila kung maaring mailuklok sa posisyon ang batang Duterte gayong ito ay isang adopted member lamang.

Samantala, kung maraming sumasali sa partido, kumalas naman na bilang miyembro at NUP president si dating majority leader at Capiz Representative Fred Castro.

Ang pag-alis ni Castro sa NUP ay bilang delicadeza dahil sinuportahan nito sa speakership si Leyte Representative Martin Romualdez gayong ang sinusuportahan ng NUP ay ang adopted member din na si Speaker Alan Peter Cayetano.

Facebook Comments