Paglobo ng confidential fund ng DOJ, kinwestyon sa budget deliberation sa senado

Binusisi ni Senator Rodante Marcoleta ang paglobo ng confidential fund ng Office of the Secretary ng Department of Justice (DOJ).

Sa budget deliberation para sa DOJ sa susunod na taon, tinukoy ni Marcoleta ang P526 million confidential fund noong 2023, bumaba noong 2024 sa P168 million at ngayong 2025 ay tumaas ito sa P1.5 billion o 800% ang itinaas sa pondo.

Paliwanag naman dito ni Senator Sherwin Gatchalian na siyang sponsor ng DOJ 2026 budget, ang Kongreso ang nagpadagdag ng higit isang bilyong piso sa confidential funds ng DOJ.

Kabilang sa dahilan ng paglaki ng pondo ay dahil mainit ang imbestigasyon noon sa mga nawawalang sabungero at sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Para sa susunod na taon, hinihiling ng DOJ na mabigyan sila ng dagdag na pondo sa confidential funds dahil marami silang iniimbestigahan tulad ng mga anomalya sa flood control projects at ang Witness Protection Program na mangangailangan ng P500 million.

Pero hiniling ni Marcoleta na tapyasan ng kalahati ang confidential funds ng DOJ sa 2026 at ibigay ang tatapyasin dito sa Office of Alternative Dispute Resolution kung saan nireresolba ang mga kaso na pwede pang ayusin.

Sa susunod na taon ay pinabibigyan ng Senate Committee on Finance ng P729 million ng confidential fund ang DOJ.

Facebook Comments