Iginiit ni Vice President Leni Robredo na hindi sa pagtaas ng testing capacity ang dahilan kung bakit tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa, kundi dahil sa community transmission ng virus.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), ang positivity rate ng bansa ay nasa 9.84%, mas mataas kumpara noong Hunyo na nasa 7.06%.
Bagamat magandang balita para kay Robredo ang pagtaas ng testing capacity ng bansa, hindi naman aniya tama na i-ugnay ang tumataas na bilang ng kaso rito.
Dagdag pa ni Robredo na ang global standard ng positivity rate ay nasa 5% lamang at hindi dapat makuntento ang pamahalaan sa pag-abot ng targeted testing capacity.
Dapat din aniyang pagtrabahuan na ibaba ang positivity rate na mababa sa 5%.
Ang Pilipinas ay nakapag-test pa lamang ng 1.62% ng populasyon kumpara sa Singapore (26.27%), Brunei (6.96%), Malaysia (3.25%), at South Korea (3%).
Target ng pamahalaan na ma-test ang nasa dalawang milyong Pilipino sa katapusan ng Agosto at tatlong milyon naman pagdating ng Setyembre.