Paglobo ng COVID cases matapos ang Pasko, dapat paghandaan ng pamahalaan

Nananawagan si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na paghandaan ang posibleng paglobo ng mga kaso ng COVID-19 pagkatapos ng Pasko.

Diin ni Marcos, posibleng itong mangyari kahit pa nananatili ang mga community quarantine, may karaoke ban at kinokonsiderang gagamitan ng yantok ang pagpapatupad ng health protocols.

Paliwanag ni Marcos, ang malapyestang espiritu ng pagdiriwang ng Pasko at “quarantine fatigue” ay posibleng magdulot ng mas mataas pang kaso ng impeksyon.


Kaya giit ni Marcos sa gobyerno, tapusin na at ikasa kung anong sistema ng ‘contact-tracing’ ang dapat na ipatupad, anong contigency measures sa mga ospital kapag naging kritikal na ang level ng kaso ng virus, at ano ang mekanismo para makaagapay ang Local Government Units (LGUs).

Nakakatiyak si Marcos na mananatili ang public health emergency hanggang sa susunod na taon, at mawawalan na ng bisa ang Bayanihan 2 kapag nag-adjourn na ang Kongreso sa susunod na Linggo.

Kaya naman, pangunahin din sa isinusulong ni Marcos, na palawigin hanggang December 31, 2021 ang stand-by powers ng Pangulo sa ilalim ng Bayanihan To Recover As One Act bilang tugon sa pandemya.

Facebook Comments