Paglubha ng red tape sa bansa, pinangangambahan dahil sa bagong requirement sa pagre-renew ng driver’s license

Pinangangambahan ng ilang kongresista ang paglala ng red tape sa bansa dahil sa panibagong requirement na hinihingi sa mga mag-re-renew ng kanilang driver’s license.

Nagdagdag kasi ng isa pang requirement ang Land Transportation Office (LTO) para sa mandatory completion ng comprehensive driver’s education sa mga private driving school bago makapag-renew ng lisensya.

Dahil dito, binatikos ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang LTO, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at maging ang Department of Transportation (DOTr) dahil sa dagdag na pagpapahirap na ginagawa sa mga driver.


Malinaw na paglabag aniya ito dahil ayon sa batas ay wala namang kapangyarihan ang LTO at DOTr na maghirang ng ganitong hakbang sa mga private entities.

Tinawag pa ng kongresista na “money making scheme” lamang ang pagpapakuha muli ng driver’s education sa mga pribadong driving schools na aniya’y dapat nang matigil sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments