Bubusisiin na ng Senado bukas ang nangyaring insidente ng paglubog ng MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro bunsod na rin ng naunang privilege speech dito ni Senator Francis Tolentino at ang resolusyong inihain ni Senator Cynthia Villar.
Pangungunahan ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change na pinamumunuan ni Villar ang nasabing imbestigasyon.
Ipapatawag sa pagdinig ang Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Coast Guard, pamunuan ng shipping company na MT Princess Empress at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Aalamin sa imbestigasyon kung gaano na kalawak ang pinsala na idinudulot ng pagtagas ng langis mula sa lumubog na barko at kung ano na ba ang nagagawa dito ng mga ahensya ng gobyerno at ng shipping company.
Sisilipin din kung naipapatupad ba ang batas na Oil Compensation Act of 2007 na nag-uutos ng agad na pagbibigay ng kabayaran o kompensasyon sa mga residenteng maaapektuhan ng oil spill.
Nais naman ni Tolentino na tukuyin kung pasado ba sa seaworthiness ang MT Princess Empress kaya pinayagang maglayag, pagpapanagot sa lalong madaling panahon sa mga responsable sa oil spill at ang mga hakbang para mapigilan ang paglawak ng pagkasira ng karagatan.