Paglulunsad ng caravan ng mga programa ng gobyerno para sa mga pamilya at indigenous people na nasa lansangan, pangungunahan ng pangulo

Ilulunsad ng Office of the President at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong araw ang Caravan of Special Protection Programs para sa mga bata, mga pamilya at indigenous peoples (IPs) na nasa mga lansangan.

Dadalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at kanyang First Lady Liza Araneta-Marcos sa aktibidad na gaganapin sa Rizal Park sa Maynila.

Ang caravan ay tinawag na “Pangkabuhayan at Pamaskong Handog ng Pangulo at Unang Ginang Marcos at ng Sambayanang Pilipino para sa mga Indigenous Peoples at Street Dwellers.”


Layunin nitong ilapit ang gobyerno sa vulnerable sector na isa sa adhikain ni Pangulong Marcos Jr.

Sa ilalim ng caravan, magkakaloob ang gobyerno ng “pangkabuhayan” o panimulang kapital sa mga pamilyang nasa lansangan.

Ito ay para masuportahan nila ang mga anak at maiwasang manatili sa pamamalimos sa mga lansangan.

Aabot sa 574 na pamilyang benepisyaryo ang makatatanggap ng tig-10 libong piso, maging ng hygiene kits at food packs.

Nasa 400 mga bata naman ang mabibiyaan ng pamaskong regalo na kinabibilangan ng mga damit, laruan at libro.

Facebook Comments