Inanunsyo ngayon ng National Housing Authority (NHA) na malaki ang maitutulong sa paglulunsad ng Digitalized Entry Pass o EP System para sa mabilis na pagproseso ng mga programang pabahay ng ahensya.
Ayon kay Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, isa na namang aniyang makabuluhang hakbang patungo sa teknolohikal na kaunlaran ang ginawa ng NHA sa pamamagitan ng paglulunsad ng Digitalized Entry Pass o EP System para sa pagdiriwang ng National Shelter Month.
Paliwanag pa ni Assistant General Feliciano na sa instant na mundo ngayon, kailangan maging instant na rin ang pagseserbisyo sa mga Pilipino kung saan ang entry pass ay isang opisyal na dokumento na ibinibigay ng NHA sa pamamagitan ng mga regional office nito sa mga kwalipikadong pamilya na nagbibigay pahintulot na okupahin ang kanilang nakatakdang unit ng pabahay.
Aniya sa loob ng maraming taon, ang pagbibigay ng EP ay naging mahalagang bahagi ng proseso ng relokasyon na pinamamahalaan ng Resettlement and Development Services Department kung saan ang paglipat mula sa tradisyonal na sistemang nakabatay sa papel patungo sa isang digital platform ay nakatakdang pahusayin ang kaayusan sa operasyon, bawasan ang mga gastos, at alisin ang pangangailangan para sa mga lipas na software at mga serbisyo sa pag-print.