Paglulunsad ng kampanya laban sa obesity o sobrang katabaan sa mga kabataan, isinusulong ni Sen. Cynthia Villar

Isinusulong ni Senator Cynthia Villar ang panukalang batas na kampanya para labanan ang obesity o labis na katabaan lalo na sa mga kabataan.

Inihain ni Villar, Chairman ng Committee on Agriculture and Food, ang Senate Bill 2230 kung saan iginiit ng senadora na kailangang harapin na ng gobyerno ang lumalaking problema ng bansa sa pagtaas ng bilang ng mga obese na maaaring pagmulan ng iba’t ibang cardiovascular diseases.

Sa panukala, ang Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd) katuwang mga Local Government Units (LGUs) at iba pang ahensya ng gobyerno ay inaatasang bumuo ng National Anti-Obesity Prevention and Control Program.


Ang DepEd ang nakatoka sa pagtuturo sa mga estudyante ng wastong pagkain, tamang nutrisyon, kalusugan, habang ang mga lokal na pamahalaan at mga barangay ang aatasan naman sa pagsasagawa ng information campaign.

Batay sa report ng Department of Science and Technology (DOST) – Food and Nutrition Research Institute, nasa 27 million na mga Pilipino na ang overweight at obese na doble mula sa naitala noong 1998 at inaasahang aakyat pa ng 30 percent ang bilang na ito pagsapit ng 2030.

Facebook Comments