Paglulunsad ng "PAFES" sa Quirino Province, Matagumpay; Ilang Agricultural Projects, Ipinamahagi

Cauayan City, Isabela- Inilunsad ng Department of Agriculture ang Province-Led Agriculture and Fisheries Extension Systems o PAFES sa lalawigan ng Quirino noong Setyembre 4, 2021.

Pinangunahan mismo ni Agriculture Secretary William Dar ang nasabing aktibidad sa lalawigan.

Ayon sa kalihim, ang PAFES ay isa sa mga isinusulong ng DA sa ilalim ng ‘OneDA Reform Agenda’ upang mas mapabilis ang promosyon ng mga makabagong teknolohiya sa mga magsasaka sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan.


Sa ilalim aniya ng Mandanas Garcia ruling na inilabas ng Korte Suprema, kasama ang mga lokal na pamahalaan maging ang mga sektor na kabilang sa agricultural development ay kasama rin sa extension delivery system.

Dagdag ng kalihim na hindi mawawala ang suporta ng DA sa mga lokal na pamahalaan bagama’t mapupunta na ang ibang mga pondo sa LGU simula sa susunod na taon.

Sa naturang programa, ibinahagi rin ng DA ang iba’t-ibang research results sa lokal na pamahalaan para sa promosyon ng mga ito sa pagsisimula sa implementasyon ng PAFES.

Samantala, ayon naman kay Governor Dakila Carlo Cua na ipagpapatuloy ng mga lokal na pamahalaan ang pagsuporta sa inisyatibo ng ahensya para sa higit na kapakinabangan ng mga magsasaka at maisulong ang ekonomiya.

Ayon naman kay Regional Technical Director for Research and Regulatory Rose Mary G. Aquino, ang mga outputs ay gawa ng mga researchers sa Cagayan Valley Regional Research, Development and Extension Network o CVRRDEN.

Umaasa ang DA at PLGU Quirino na maging matagumpay ang PAFES implementation matapos ang ginawang paglagda sa Pledge of Commitment ng mga stakeholders.

Isa ang lalawigan ng Quirino sa buong bansa na magpapatupad ng PAFES kasama ang Ilocos Norte at Bohol.

Facebook Comments