Pinag-aaralan ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paglulunsad ng proyekto na sosolusyon sa lumalalang problema ng basura sa bansa partikular sa Metro Manila.
Ayon kay Environment Undersecretary for Policy, Planning and International Affairs Jonas Leones, isa sa naisip nilang ‘Win-Win Solution’ ang Waste-To-Energy (WTE) Project na mainam na alternatibo sa halip na magdagdag ng tradisyunal na Sanitary Landfill.
Sinisikap aniya ng ahensya na maghanap ng iba pang epektibong paraan ng garbage disposal maliban sa kung ano lamang ang pinahihintulutan sa ilalim ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Giit pa ni Usec. Leones maituturing na Environment-Friendly ang Waste-To-Energy Technology dahil pasado ito sa emmissions standards hinggil sa batas sa Philippine Clean Air.
Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan ang DENR sa Japan government para sa isang technical cooperation project sa paggamit ng advanced WTE technology at napiling pilot sites ng proyekto ang mga lungsod ng Quezon, Cebu at Davao City.