PAGLULUTO NG PAGKAIN SA KAWAYAN, TAMPOK SA TINUNGBO FESTIVAL SA PUGO, LA UNION

Buhay na buhay ang kultura at lutuing Ilocano matapos ipamalas ng mga residente sa Pugo, La Union, ang husay sa tradisyonal na pagluluto gamit ang kawayan sa ginanap na Tinungbo Cookfest ngayong Enero.

Lumahok ang 14 na barangay sa kompetisyon, kung saan inihain ang sari-saring putaheng Ilokano mula sa katutubong gulay, preskong isda, hanggang sa mga tradisyonal na kakanin. Tampok sa mga luto ang iba’t ibang bersyon ng dinengdeng, kabilang ang buridibud at inabraw, na pawang ginamitan ng pangunahing sangkap ng selebrasyon ngayong taon — ang labong.

Higit pa sa patimpalak sa pagluluto, nagsilbi ring pagbabalik-tanaw ang Cookfest sa sinaunang paraan ng paghahanda ng pagkain sa kawayan o tinungbo bilang karaniwan nang ginagamit ng mga ninuno lalo na kapag inaabutan ng tanghalian sa kabundukan.

May dalawang oras lamang ang bawat koponan upang ihanda at iluto ang kanilang putahe. Ipinagbawal ang paggamit ng mga processed condiments, habang malaya naman ang bawat barangay sa sariling paraan ng pagpapaapoy at pagluluto.

Ang Tinungbo Cookfest ay bahagi ng mas malawak at makulay na Tinungbo Festival, na naglalayong paigtingin ang kamalayan sa lokal na kultura, pangalagaan ang mga pamanang putahe, at patibayin ang pagkakakilanlan ng bayan ng Pugo.

Sa selebrasyong ito, muling pinatunayan na ang kawayan ay hindi lamang karaniwang materyales, kundi isang buhay na simbolo ng kasaysayan, kultura, at pagkakaisa ng mga residente sa bayan ng Pugo.

Facebook Comments