Nilinaw ng Department of Health (DOH) na patuloy na pinag-aaralan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagluluwag ng community quarantine restrictions sa ilang lugar sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pinagbabatayan pa rin ang mga siyentipikong datos para malaman ang quarantine status ng isang lugar.
“Ito ay kailangan pa ring pag-usapan sa Inter-Agency Task Force. Meron tayong gamit na mga scientific na batayan para masabi natin kung anong level dapat ng quarantine status sa isang lugar. Antayin natin magdesisyon ang ating IATF regarding this matter,” ani Vergeire.
Dagdag pa ni Vergeire, ang IATF ang makakapagsabi ng kabuuang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.
Ikinokonsidera rin ng IATF ang mga implikasyon ng COVID-19 sa social, security at economic sectors bago sila magbaba ng desisyon.
“Kapag ginagawa ang decision na iyan, it is a collegial decision among all IATF members… Kailangan pag magbigay ng recommendation, comprehensive, in totality of the whole situation. And also, sa IATF, binibigay din ang social, security, economic implications bago makarating sa decision ang IATF with regards to easing of restrictions,” sabi ni Vergeire.
Una nang sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na maaaring ibaba sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila pagsapit ng Oktubre basta nasusunod ang health protocols.