Pinuri ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte ang mga hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patungo sa pagluluwag ng health protocols kaugnay sa COVID-19 pandemic.
Tiwala si Villafuerte na ito ay magbibigay ng mensahe sa buong mundo na bukas at handang-handa na ang Pilipinas sa pagtanggap ng mga turista at mga mamumuhunan.
Sinabi ito ni Villafuerte sa harap ng napipintong paglalabas ni PBBM ng executive order na nagpapahintulot sa boluntaryong pagsusuot ng face mask maging sa mga indoor o kulob na lugar.
Una nang iginiit ni Villafuerte na ang kailangan nang i-relax ang mandatory mask policy kahit sa indoor settings, gayundin ang pag-alis ng required anti-COVID vaccination at negative RT-PCR test results sa mga dayuhang bibisita sa bansa.
Ipinaliwanag ni Villafuerte na mahihirapang makabangon ang Pilipinas mula sa halos tatlong taong pandemya kung mananatiling mahigpit ang ating mga patakaran sa mga turista.