Tiwala si Senator Grace Poe na ang pagiging isang ganap na batas ng mga amyenda sa mahigit 85 taon ng Public Service Act (PSA) ay magbibigay sa ating ekonomiya ng sapat na sigla para matahak nito ang inklusibong paglago.
Ang pag-amyenda sa PSA ay daan para luwagan ang restriksyon sa dayuhang pamumuhunan sa bansa na ayon kay Poe ay inaasahang magpapabilis ang ating pagbangon mula sa pandemya nang walang napag-iiwanang ni isa mang Pilipino.
Binanggit ni Poe na kasama rito ang pagbibigay ng otoridad sa pangulo na suspindehin o hindi payagan ang anumang panukalang merger o acquisition sa pangangalaga sa interes ng seguridad ng bansa.
Umaasa si Poe na maisasaayos nito ang sitwasyon sa bansa para sa pagbibigay ng mas maayos at murang mga serbisyo, at paglikha ng mas maraming trabahong kinalaunan ay makapagpapaangat sa kalidad ng buhay ng mamamayan.
Kaugnay nito ay hiniling ni Poe sa mga ahensiya ng gobyerno na maging masigasig para ganap na makinabang ang ating mga kababayan.