Pagluluwag sa mga dayuhang darating sa bansa, maghahatid ng panganib sa kalusugan ng mamamayan

Mariing kinontra ni Senator Nancy Binay ang pasya ng Inter-Agency Task Force (IATF) na luwagan ang pagpasok sa Pilipinas ng dayuhan o biyahero mula sa ibang bansa.

Giit ni Binay, posible itong maging sanhi ng lalong pagkalat ng COVID-19 lalo’t hanggang ngayon ay patuloy pa nating nilalabanan ang hawaan ng Delta at Omicron variant.

Paliwanag ni Binay, hindi nararapat ang ganitong pagluluwag habang wala pang komprehensibo at localized surveillance system ang gobyerno para masubaybayan ang galaw ng mga dapat ay naka-quarantine.


Punto ni Binay, dapat ay natuto na tayo sa nangyari kay ‘Poblacion Girl’, ang balikbayan na lumabas ng quarantine facility at dumalo sa party kung saan sya ay nakapanghawa umano ng COVID-19.

Dahil dito ay hindi maiwasan ni Binay na punahin na tila trial and error ang mga desisyon ng IATF na delikado sa kalusugan ng mamamayan lalo’t nasa 54 milyon pa lamang sa 110 milyon na mga Pilipino ang fully vaccinated.

Nagtataka si Binay kung bakit walang napupulot na leksyon ang pamahalaan sa ibang bansa kung saan paulit-ulit ang surge ng COVID-19 cases at pagsulpot ng iba’t ibang variants dahil sa pagluluwag.

Ipinaalala rin ni Binay na kaya nakapasok at kumalat sa Pilipinas ang COVID-19 ay dahil hindi tayo agad naghigpit noon ng boarder na naging daan kaya nakapasok at nakapagdala ng virus ang mag-asawang Chinese galing sa Wuhan, China.

Facebook Comments