Manila, Philippines – Isinulong ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon na huwag munang palusutin ng senate finance committee ang 17.2 billion pesos na panukalang 2018 budget ng dept of budget and management para sa Dept. of Justice o DOJ at attached agencies nito.
Nais ni Drilon na isumite munang DOJ sa senado ang eksaktong data o bilang ng mga kaso ng Extra Judicial Killings o EJK na may kaugnayan sa gera kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte.
Sa pagdinig ay sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na 3,050 ang bilang ng mga nasawi sa lehitimong police operations kaugnay sa ilegal na droga at mahigit 1,000 dito ang ikinokonsidera na EJK.
Sabi naman ng National Bureau of Investigation o NBI, 37 kaso lamang ang iniimbestigahan nito mula sa 4,000 na naitalagn kaso ng pagpatay.
Pero hindi nakuntento si Senator Drilon sa nasabing mga impormasyon kahit pa binigyang diin ni Secretary Aguirre na wala silang intensyon na ilihim sa publiko ang tunay na numero kaugnay sa mga kaso ng pagpatay na konektado sa ilegal drugs.
Paliwanag pa ni Drilon, mainam ng ma-plantsa ang nabanggit na mga pigura sa finance committee level kesa maging dahilan ito ng pagkabalam sa deliberasyon sa plenaryo ng 2018 proposed budget.