Paglutas sa pandemya, paglilinis sa gobyerno at pagpapalakas ng militar, ilan sa tutukan ni VP Leni sa kanyang 100 days kapag nahalal na presidente

Malinaw kay Vice President Leni Robredo kung ano ang kanyang uunahing gawin sa unang isang daang araw ng kanyang pagkapangulo kung siya ang mananalo sa darating na May 9 presidential elections.

Sabi ni VP Leni, isa sa kanyang sisiguraduhin ay ang pagpapalakas ng militar at Coast Guard.

Ito ang kanyang pahayag nang siya ay sumalang sa “Bakit Ikaw? DZRH Job Interview” noong Huwebes, ika-2 ng Pebrero.


Mahalaga na sapat ang kagamitan at kakayahan ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) maging ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa pagbabantay ng ating teritoryo at proteksyunan ang ating mangingisda sa West Philippine Sea, aniya.

“‘Yung ating 100 percent support sa modernization program ng AFP ay nandiyan… Kailangan maging credible ‘yung ating defense posture sa South China Sea na hindi man natin kaya na tapatan Barko to barko, alam nila na pag nilusob nila tayo ay masasaktan din sila” sabi ni VP Leni.

Target din ni VP Leni sa loob ng unang isang daang araw sa Malacañang ang linisin ang gobyerno. Sisiguraduhin niya ang pipiliin niya sa kanyang Gabinete ay seryoso din sa malinis na pamamahala.

“Gagawin natin ‘yung choice natin ng mga ia-appoint natin na mga officials kasi ‘yun ‘yung pinaka-symbol na seryoso tayo sa ating commitment na lilinisin natin ‘yung pamahalaan… Kasi ipapakita natin sa tao, “Uy, seryoso pala ‘to, hindi pala lip service lang.” paliwanag ni VP Leni.

Tututukan din ni VP Leni sa loob ng unang isang daang araw niya bilang Presidente ang paglutas sa pandemiya na nagpapahirap sa maraming Pilipino.

Sinabi ni VP Leni na prayoridad niyang malimitahan ang pagkalat ng COVID.

Mabubuksan ang ekonomiya, makakapasok ulit sa trabaho ang mga manggagawa at balik eskwela ang mga estudyante kapag na solusyunan ang pandemya.

Kung siya rin ay magiging Pangulo, palalawigin pa ni VP Leni ang Malasakit Center na malaki ang naitulong para sa mga nagkakasakit na maralitang mamamayan.

Palalakihin ang budget ng Malasakit Center para hindi lang nasa public hospital na pasyente ang matulungan kundi maging ang mga nasa ward ng private hospital din. Titiyakin din na maayos itong papatakbuhin.

“Ang pinakapangarap natin dito sa ating bansa, na lahat, mahirap ka man o mayaman, pwede mong i-access ‘yung health services na dine-deserve mo, na kinakailangan mo,” pahayag ni VP Leni.

Facebook Comments