Pagluwag ng community quarantine status sa NCR, posibleng mauwi sa pagtaas ng COVID-19 cases pagsapit ng pasko – babala ng mga eksperto

Nagbabala ang OCTA Research Team sa pamahalaan na maghinay-hinay sa pagpapaluwag ng community quarantine status lalo na sa Metro Manila.

Ang OCTA Research Team ay binubuo ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP), University of Santo Tomas (UST) at Providence College.

Batay sa report ng OCTA Research Team, ang premature o hindi napapanahong pagpapababa ng quarantine status sa National Capital Region (NCR) ay maaaring magresulta ng muling pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa Disyembre.


Iginiit ng grupo na kailangan pa ring panatilihin ang General Community Quarantine (GCQ) status sa NCR at sabayan ng pinaigting na testing, tracing at isolation programs para maiwasan ang paglobo ng kaso sa panahon ng kapaskuhan.

Pinayuhan din nila ang pamahalaan na palawakin pa ang kapasidad ng mga ospital sa NCR at iba pang hotspots.

Gayunpaman, naitala ng OCTA Research Team ang pagbaba ng daily COVID cases mula sa 4,3000 nitong Agosto patungong 2,988 nitong Setyembre.

Ang transmission rate, number of cases, positivity rate at hospital resource utilization sa Metro Manila ay nasa downward trend.

Bukod dito, bumababa ang bilang ng mga bagong kaso sa high-risk areas kabilang ang Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Negros Occidental at Rizal.

Ang kasalukuyang COVID-19 hotspots sa bansa ay Benguet, Iloilo, Leyte, Misamis Oriental at Nueva Vizcaya.

Sa taya rin ng OCTA Research Team, posibleng umakyat ng 380,000 hanggang 410,000 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas pagdating ng October 31.

Facebook Comments