Iginiit ng isang grupo ng employers na dapat noon pang Setyembre niluwagan ang quarantine restrictions dito sa Metro Manila.
Ito ay kasunod ng pagbaba sa alert level 2 sa NCR simula ngayong Biyernes kung saan mas mataas na ang kapasidad ng papayagan sa loob ng mga establisyimento na makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Employers Confederation of the Philippines President Sergio Ortiz-Luiz Jr., na hindi kasi naging handa ang gobyerno lalo na tuwing magkakaroon ng panibagong surge ng COVID-19.
Ayon kay Ortiz, ito ang nagiging dahilan kung bakit paulit-ulit tayong nagpapatupad ng mga lockdown na nakakaapekto sa kabuhayan ng marami.
Idinagdag pa ni Ortiz na dapat noon pa rin pinayagan makabalik sa trabaho ang mga hindi nakatanggap ng mga ayuda.