Binigyang diin ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate na hindi solusyon sa pagtaas ng inflation rate ang pagluwag sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Zarate, iba’t ibang administrasyon na aniya ang nagtulak na luwagan ang ekonomiya ng bansa at ngayon naman ay Charter Change na ang itinutulak sa Kongreso.
Sa halip aniya na matugunan ang 4.2% inflation rate na naitala nitong Enero ay lalo lamang magpapalala sa bansa ang liberalization lalo na sa importasyon ng mga produkto.
Paliwanag ng mambabatas, tiyak na magiging dependent ang Pilipinas sa ibang mga bansa na maaaring makaapekto hindi lamang sa pagkontrol sa presyo ng mga pangunahing bilihin kundi pati na rin ang food security.
Iminungkahi ni Zarate na humanap ng ibang paraan ang gobyerno para sa pagsigla at pagbuhay sa ekonomiya.
Payo ng kongresista, mas palakasin pa ang mga hakbang at tulong na maibibigay sa mga local producers, farmers at consumers nang sa gayon ay matiyak ang tuloy-tuloy na pag-ikot ng ekonomiya.