Hinikayat ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang mga health authorities na pag-aralan at ikonsidera ang pagluluwag ng polisiya hinggil sa pagsusuot ng face mask katulad ng pagpapahinto ng Cebu City government sa obligadong pagsusuot ng face mask sa mga open areas.
Para kay Villafuerte, mainam na ipatupad na lamang ang mandatory na pagsusuot ng face mask sa Metro Manila at mga lugar na may mataas pa ring kaso ng COVID-19.
Sabi ni Villafuerte maari ring manatili ang pagsusuot ng face mask sa indoor areas lalo na kung may air conditioning, transportasyon at high-risk areas tulad ng ospital.
Kasama sa suhestyon ni Villafuerte na patuloy na magsuot ng face mask ang mga nakatatanda, buntis at may comorbidity.
Layunin ng mungkani ni Villafuerte na mai-akma ang polisya sa kasalukuyang sitwasyon o sa tinatawag na “new normal” at para mabawasan ang hagupit sa ekonomiya ng pandemya.
Iginiit ni Villafuerte na kung ipagpapatuloy ang mandatory na pagsusuot ng face mask ay dapat mamigay ng libreng face mask sa mga mahihirap dahil dagdag gastos ito sa kanilang hanay.