Pagluwag sa restrictions at dagdag na public transportation, iginiit ng isang Kongresista

Pinamamadali na ni Economic Affairs Chairperson at AAMBIS-OWA Partylist Representative Sharon Garin ang pagluwag sa restrictions at dagdag na public transportation.

Paalala ni Garin, hindi maisasakatuparan ang balanse sa pagitan ng pagliligtas ng buhay at kabuhayan kung hindi matutugunan ang problema sa ekonomiya.

Ipinaliwanag ng Kongresista na ang public transportation ay itinuturing na “major economic lifeline” kung saan ito ay integrated at interconnected sa lahat ng negosyo kaya nananatili itong pangunahin at napakahalagang component sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.


Mahalaga rin aniya na madagdagan ang bilang ng mga bumabiyaheng public transportation upang mapigil ang mahabang exposure ng mga tao sa COVID-19 sa matagal na paghihintay ng masasakyan.

Mas lalo lamang umanong mababalewala ang pagpapatupad ng social distancing kung ang suplay naman ng public transportation ay mas mababa kumpara sa mataas na demand ng mga manggagawang pumapasok sa trabaho araw-araw.

Nanindigan din ang Kongresista na ang pagbubukas ng ekonomiya ay dapat masuportahan naman ng pagtataas ng passenger capacity kaakibat na may nakalatag na health protocols upang matiyak na protektado laban sa sakit ang mga Pilipino.

Facebook Comments